Thursday, March 13, 2008

I. INTRODUKSYON SA PANANALIKSIK


A. Paglalahad ng Suliranin

Sa larangan ng industriya ng pelikula at musika ang malawakang pamimirata o “piracy” ang salik na nakapagpabilis nang husto sa paghihingalong ito ng lokal na industriya ng pelikula. Maaaring sa isang banda, ang dahilang ito ay nakapagpalabo o nakapagpababaw sa pagsusuri ng ilan sa tunay na ugat ng krisis sa larangan ng kultura, lalo na sa hanay ng maliliit na mga manggagawang pangkultura at artista na nananawagan ng “stop piracy” at pagtataguyod ng kanilang “intellectual property rights.” Ang paghahangad ng proteksyon ay pagpapalamon sa elitistang bitag ng “globalisasyon,” na tiyak na pumapanig lamang sa interes ng monopolyo kapitalismo, at hindi kailanman sa interes ng maliliit na artista o imbentor . Kung pakasusuriin, hindi mamamayagpag ang pamimirata kung ang pinakamalalaking opereytor nito ay hindi mahigpit na nakaugnay sa mga lokal at internasyunal na ahensyang nagpapatupad ng batas laban sa pamimirata at maging sa mga lokal na kumpanya ng pelikula o musika na siya mismong “biktima” ng mga sindikatong ito.

Talamak na ang pamimirata sa bansa, hindi lang sa Metro Manila kung hindi pati na rin sa mga probinsya. Napapaulat din na ang pamimiratang ito ay kaugnay sa mga plano ng mga terorista, kung saan isa ito sa mga pinagkukunan ng malaking porsyento ng mga terorista para sa kanilang mga badyet.


B. Pag-aaral

BOOTS ANSON-ROA *pamimirata*

Umapila sa Malakanyang senatorial candidate Boots Anson-Roa ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) na agad lagdaan ang Optical Media Bill at mapangalagaan ang nanganganib na industriya ng pelikula at musika. Naniniwala ang premyadong aktres na makatutulong ang nabangggit na panukala upang mapigilan ang tuluy-tuloy na pagbagsak ng industriya at ang pagbulusok ng ekonomiya ng Pilipinas.


Reaksyon ito ni Anson-Roa sa napaulat na pahayag ng Estados Unidos na ang walang habas na paglabag ng Pilipinas sa intellectual property rights, at hindi si Fernando Poe Jr., ang dahilan ng kawalan ng tiwala ng mga negosyanteng banyaga na mag-invest sa bayan.

Isang dating press and cultural attaché ng Pilipinas sa Amerika, idiniin ni Anson-Roa na malaki ang pag-asa ng pamahalaang Arroyo na maibalik ang kumpiyansa ng mga negosyanteng banyaga sa ating bansa kung agarang mapipirmahan ng Pangulo ang proposed Optical Media Act. Nakiusap rin ang premyadong aktres na tigilan na muna ang paghahanap ng sisi sa pulitika at sa halip ay pag-aralang mabuti ng pamahalaan kung paano pa maipamamayagpag ang sumasamang imahe ng bansa sa international community.


"Ipakita natin na tayo ay seryoso sa pagbigay proteksyon sa gawa at investments ng ibang bansang nangangalakal sa Pilipinas. Natitiyak kong mababaon lang tayo sa kawalan ng pag-asa kung ipakikita natin sa mga dayuhan na wala tayong alam gawin kung hindi maghanap ng escape goat sa halip na bigyang solusyon ang problema," paliwanag Anson-Roa, kandidato sa pagka-senadora ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino na pinangungunahan ni Poe.


Nabatid na $ 116 milyon ang nalulugi sa mga dayuhang negosyante sa bansa dahil sa naturang pamimirata kung saan nasa ika-pitong puwesto ang Pilipinas sa buong mundo na talamak sa pagpupuslit at pamimirata.


Noong nakaraang lingo ay ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang Optical Media Bill na nagpapataw ng hanggang P 3 milyong multa at siyam na taong pagkabilanggo sa sinumang sangkot sa film and music piracy. Binanggit pa ni Anson-Roa ang nakasaad sa nabanggit na panukala ang pagbabawal sa iligal na paggawa, pagko-kopya, at pagbenta ng anumang VCD AT DVD.


Bubuwagin naman ang Videogram Regulatory Board at papalitan ito ng Optical Media Board na siyang mangangasiwa at magpapatupad ng bagong batas na magbibigay proteksyon sa film and music industry. Sa pamamagitan ng Optical Media Board ay magkakaroon ng sapat na ngipin ang VRB upang masawata ang malawakang pamimirata ng VCD at DVD sa bansa.

(http://bootsansonroa.com/press-release/press05.htm)


Ligtas na raw sa Quiapo


Pahayag ng mga impormante ng The CORRESPONDENTS, hindi na nakakatakot maglibot sa Quiapo dahil maging ang mga kriminal ay nagbebenta na rin ng DVD.

Nitong Disyembre nang magtungo ang The CORRESPONDENTS sa Quiapo, palaboy-laboy lang ang mga pulis sa mga kalsada pero wala silang ipinasasarang gusali o tindahan na nagbebenta ng DVD.

Marahil, nakalimutan na nila na ilegal ang magbenta ng piniratang DVD.

Ang hinaharang lang ng mga pulis ay ang mga tao na tulad ni "Michael" (di-tunay na pangalan) na bumibili ng kahon-kahon na DVD. Sa pakilala ni Michael sa The CORRESPONDENTS, sinabi ng lalaki na isa siyang tindero ng DVD sa isang malaking pamilihan sa Lungsod Quezon.

Isang araw sa bawat linggo ay bumibili siya ng paninda sa Quiapo. Aniya, malimit siyang harangin ng mga pulis kapag sumasakay siya ng taxi habang dala-dala ang kahon ng DVD.

Banta ng mga pulis kay Michael, isusumbong siya sa Videogram Regulatory Board. Ngunit ayon sa negosyante, madali umanong kausapin ang mga pulis basta may nakahandang P500 o P1,000 na ipamimigay sa kanila.

Karamihan ng mga tindero ng DVD sa malalaking pamilihan sa Kalakhang Maynila ay tulad ni Michael. Hindi sila direktang nakikipagnegosyo sa mga sindikato kaya maliit lang ang kinikita nila.

Ang maliit na kita ay pumapatak lang sa P30,000 kada buwan, ani Michael.

Ayon sa negosyante, sapat lang ang kinikita niya upang buhayin ang asawa, siyam na anak at isang dosenang kaanak sa probinsya na umaasa sa kanya.


Bakit legal ang ilegal?


Batid ng mga tindero na ilegal ang pagbebenta ng piniratang DVD. Pero ani Michael, wala siyang magagawa dahil mahirap makakuha ng lehitimong trabaho lalo na kung ang aplikante ay Muslim.

Isa sa kanila si "Abet" na ilang taon ding nagtrabaho sa Saudi Arabia. Pero pagbalik niya sa Pilipinas, walang kompanya na nais tumanggap kay Abet sa kabila ng pagiging edukado niya.

Matapos ang isang taon na pagiging bakante sa trabaho, pinasok ni Abe ang hanapbuhay ng pagbebenta ng piniratang DVD.

Aminado si Abet na trabaho ang hinahanap ng libo-libong mga Muslim na nagtutungo sa Maynila. Noong mabalitaan ng mga Muslim sa Mindanao na malaki ang kinikita ng kanilang mga kababayan sa pagbebenta ng piniratang DVD, gumaya na sila.

Ngunit mayroon ding mga Muslim na bumiyahe sa Maynila dahil nagsawa na sila sa gera sa Mindanao.

Sa kwento ni Abs, sinabi ng binata na dati siyang rebelde sa Mindanao. Pero kung titingnan ay wala sa anino ni Abs ang dating mandirigma.

Maporma siya, mapagbiro at magaling makipag-usap at mang-engganyo ng kostumer.

Sa edad na 15 anyos, hindi na nakayanan ni Abs ang buhay-rebelde kaya kahit gipit ang pamilya ay ibinenta ang kaisa-isan ilang kalabaw upang makapunta siya sa Maynila.

Ngayon, tagumpay na si Abs sa kanyang negosyo at nabibili na niya ang lahat ng kailangan gayundin ng kanyang pamilya.


Sa totoo lang

Sa aminin at sa hindi ng mga Pilipino, maraming mga mamamayan ang naadik sa piniratang DVD.

Simple lang ang dahilan: bakit bibili ng orihinal na DVD ang isang tao sa halagang P1,000 kung makakakuha siya ng kopya na P80 lang ang isa?

Kung dati na pangit ang kalidad na piniratang DVD, ngayon ay mismong mga kilalang tao sa industriya ng pelikula ang nagsasabi na wala nang ipinagkaiba ang piratang kopya at orihinal.

Paulit-ulit na sinabi ng mga tindero sa Quiapo sa tropa ng The CORRESPONDENTS na maraming mga aktor, direktor at manunulat sa industriya ang bumibili sa kanila ng piniratang DVD.

Isa-isang tinanong ng The CORRESPONDENTS ang mga pangalan sa listahan pero iisa lang ang nagtapat sa kanila: si Jose Javier Reyes na kilalang direktor sa telebisyon at pelikula.

Aminado si Reyes na bumibili siya ng piniratang DVD.

Anang direktor, mahalaga para sa kanya na manood ng mga pelikulang banyaga. Ang problema, bihira sa mga pelikulang ito ang ipinalalabas sa mga sinehan sa Pilipinas. Bihira rin ang orihinal na kopya ng mga ito sa DVD at nakapakamahal kung bibilhin sa pamamagitan ng Internet.

Pero mayroong limitasyon si Reyes sa pagbili niya ng piniratang DVD. Aniya, hinding-hindi siya bibili ng pekeng kopya ng DVD kung ito ay pelikulang Pilipino.

Dahilan ni Reyes, naghihingalo na ang industriya. Kung mga pelikulang banyaga ang pumapatay sa artistang Pilipino, siya ang papatay sa mga industriya ng mga banyaga.

Sa kasalukuyan ay libo-libong mga kawani ng mga kompanya ng pelikula ang nawalan ng trabaho dahil sa pagbaha ng mga pelikulang banyaga.

Mula sa mahigit 150 noong 1999 ay 40 pelikula na lang ang ginawa ng mga kompanyang lokal nitong 2004. Katumbas ito ng P4 bilyong nawala sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Ayon kay Vincent del Rosario ng Viva Films, bagama't nagtatrabaho pa rin ang mga artista sa pelikula, telebisyon, ang apektado ng pagkawala ng trabao ay ang mga maliliit na trabahador tulad ng mga kawani at ordinaryong tauhan ng mga kompanya.

Bukod dito, unti-unti na ring tumitiklop ang maliliit na sinehan at lehitimong tindahan ng DVD at VCD sa buong bansa.

Isa na rito ang ACA Video na nagpasyang isara ang mahigit 100 tindahan nito. Sa kabuuan, mahigit 3,000 mga empleado ng nabanggit na negosyo ang nawalan ng trabaho.

Sinisi ng pamunuan ng ACA ang pamimirata ng pelikula sa pagtiklop ng negosyo.

(http://www.abs-cbnnews.com/images/news/microsites/TheCorrespondents/tc11292004dvd.htm)



K. Layunin

Ang layunin ng pananaliksik na ito - “Epekto ng Pamimirata ng mga CD at DVD sa Industriya ng Musika at Pelikula sa Pilipinas” ay upang makumpleto ang grado sa kursong FILIPINO II, at makagawa ng terminong papel patungkol sa talamak na pamimirata sa Pilipinas at ang mga epekto nito sa industriya ng musika at pelikula. Sinusuri sa pananaliksik na ito ang mga negatibong epekto ng pamimirita, ang pingamulan at iba pang mga naidudulot nito. Ang pananaliksik na ito ay maaaring makatulong sa pag-aambag at paghahatid ng mga kaalaman at ideya sa mga mambabasa upang mas tangkilikin ang mga orihinal na produkto para mapanatiling buhay ang industriya ng musika at pelikula sa Pilipinas.


D. Halaga

Ang kahalagahan ng pag-aaral na ito ay tumutulong sa pagmulat ng isipan ng mga mambabasa kung ano ang mga epekto ng patuloy na paglaganap ng mga piniratang CD at DVD sa industriya ng musika at pelikula. Ayon sa mga mananaliksik, ang higit na kahalagahan ng pag-aaral ay hindi lamang ang paghahatid ng balita sa mga mambabasa tungkol sa talamak na pamimirata, kung hindi pati na rin ang pagbibigay nito ng mga impormasyon kung paano makakatulong ang publiko sa pagsugpo sa pamimirata at sa pagbangon muli ng idustriya ng musika at pelikela.


E. Konseptuwal na Balangkas



Ang epekto ng pamimirata ng mga CD at DVD sa industriya ng pelikula at musika sa Pilipinas ay ipinapakita sa konseptuwal na representasyon sa tsart sa itaas. Ang pagsulpot ng mga piniratang CD at DVD sa Pilipinas ay nakakasira sa industriya ng pelikula at musika, kung saan nakapaloob ang mga kompanyang namumuno at namamahala sa mga malalaking produksyon ng mga pelikula at musika. Apektado rin dito ang mga taong may kaugnayan at pananagutan sa kompanya. Naisama rin sa tsart ang publiko, sila ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy na lumalala ang sitwasyon.. Dahil sa bawat labas at pagbili ng mga piniratang CD at DVD, katumbas nito ang kaltas sa dapat sanang kikitain ng mga kompanya sa mga proyektong ginawa. Ganunpaman, nababawasan ang interes ng ibang manunuod sa pagbili ng orihinal na kopya ng mga CD at DVD o manood ng pelikula sa mga sinehan dahil sa mayroon namang mga alternatibong binebenta sa mas mababang halaga.


G. Metodolohiya

Gumamit ang mga mananaliksik ng mga kasanayan sa pananaliksik sa pagsulat ng terminong papel hango sa pagsisiyasat sa epekto ng pamimirata ng mga CD at DVD sa industriya ng musika at pelikula sa Pilipinas. Kumuha ang mga mananaliksik ng mga impormasyong galing sa mga online references upang pang-suporta sa mga impormasyon at makapagbigay ng karadagang detalye at ideya na higit na kinakailangan sa pananaliksik. Sumangguni din ang mga mananaliksik sa iba’t ibang tao upang hingin ang kanilang opinyon hinggil sa pananaliksik tungkol sa pamimirata.


H. Saklaw/Delimitasyon

Ang pananaliksik tungkol sa “Epekto ng Pamimirata ng mga CD at DVD sa Industriya ng Musika at Pelikula sa Pilipinas” ay sumasakop lamang sa pamimirata sa loob ng bansang Pilipinas. Ang mga nabanggit na naapektuhan ng pamimirata ay tumutukoy lamang sa mga taong nasa likod ng industriya ng musika at pelikula kung saan ito ang pinagkokopyahan ng mga piniratang CD at DVD. Sa pananaliksik na ito nakapaloob din ang sangay kung saan pumapasok ang publiko bilang isa sa mga malaking nakakaapekto sa talamak na bentahan ng mga piniratang CD at DVD.

I. Daloy ng Pag-aaral

Negatibo lahat ang mga epekto ng pamimirata ng mga CD at DVD sa industriya ng musika at pelikula. Ito ang pangunahing suliranin na kinakaharap ng dalawang industriya sa panahon ngayon. Lalo pa at naging talamak na ang bentahan ng mga pirating CD at DVD, hindi lang sa Maynila kundi pati na rin sa iba’t ibang panig ng bansa. May mga ilegal na kompanya na rin ang itinayo sa mga tagong lugar kung saan patagong ginagawa ang mga piratang CD at DVD.

Ayon sa mga suliraning nabanggit, nais ng mga mananaliksik na tugunan at ipaalam sa mga mambabasa ang malaking paghila ng pamimirata sa industriya ng musika at pelikula sa Pilipinas. Layunin din ng pananaliksik na ito ang makatulong sa pamamahagi ng mga impormasyon tungkol sa pamimirata sa publiko.

Gumawa ang mga mananaliksik ng mga paraan upang matagumpay na maipamahagi ng pananaliksik na ito ang impormasyon tungkol sa mga epekto ng pamimirata sa dalawang industriya. Gumamit ng mga kasanayan sa pagsulat ng akademikong papel at naghanap ng mga taong makakapanayam upang kunin ang sariling pananaw ng bawat isa bilang representasyon ng publiko tungkol sa pamimirata at nangalap din ng karagdagang impormasyon sa mga internet sites bilang pang-suporta sa pananaliksik na ito.



II. INTRODUKSYON SA PAKSA













Ano ang pamimirata?

Ang pamimirata ay isang paglabag ng “intellectual property rights” o IPR – ito ang karapatan ng isang tao na m

ag-angkin ng kanilang sariling pagkamalikhain at “innovation”. Ang may-ari ng IPR ay may control at maaring mabigyan ng parangal na nakapanghihikayat ng mas malawak na “innovation” at pagiging malikhain na makakatulong sa nakararami.

Sa Pilipinas, ang batas na kasalukuyang ipinapatupad ay ang Intellectual Property Code of the Philippines (Republic Act No. 8293), ang kabuuang prumoprotekta sa “copyright, trademarks at patents”.

Ang copyright ay karaniwang inilalagay sa “artistic at literary works” tulad ng pelikula, musika, libro, litrato, software at multimedia. Ito ay makikita sa simula ng pagkakalikha, kinakailangang orihinal at nakatala ito gamit ang iba pang nakikita na midyum. Kahit na kinakailangan ng registrasyon para sa trademarks at patents, wala namang pormal na proseso ang kinakailangan upang mabuo ang copyright.

Estado ng “Copyright Enforcement”

Sa kabila ng pagpapatupad ng mga alituntunin at regulasyon ng “Optical Media Act” at mga establisyimento ng Optical Media Board na pinangungunahan ni Edu Manzano. Ipinagpatuloy ng OMB ang pagsasagawa ng mga “raid” upang unti-unting masugpo ang produksyon at distribusyon, tulad na lamang ng ginagawa ng Videogram Regulatory Board. Bagkus, ayon sa IPPA ang mga isinasagawang raid ay hindi epektibo sapagkat nagsasara lamang ang mga tindahan kapag may raid na magaganap at magbubukas pa din muli sa susunod na araw. Ang VMB ang nangunguna sa panghuhuli sa mga nagbebenta ng mga piniratang CD at DVD sa Quiapo. Noong taong 2004 ng Disyembre, ang kanilang nakolektang piniratang produkto ay nagkakahalaga ng P476.62 milyon, makikita sa istatistikang ito na patuloy na lumalala ang suliranin sa pamimirata.

Maraming nagsasabi na ang mahinang estado ng pagpapalaganap ay dahil sa kakulangan ng mga eksperto sa larangan ng Intellectual Property o IP sa mga rehiyonal na mga prosekyutor at hurado ng “Special Commercial Courts”. Upang ito’y mabigyan ng solusyon, ang mga korteng ito ay papalitan ng espesyal na korte ng IP na papangasiwaan lamang ang mga “intellectual property related-cases”. Ang resolusyong ito ay base sa iminungkahi ng director ng IPO, si Direktor-Heneral Adrian Cristobal Jr.

Noong taong 2005 ng Marso, 1184 na kaso ng IP ang hindi pa naaprubahan, kung saan 993 nito ay mula sa Maynila.

Naging malabo ang tungkulin ng IPO. Noong 2001, nalipat ang IPO sa Departamento ng Kalakalan at Indutriya patungo sa Opisina ng President kung saan maaaring sumangguni sa PNP at Bureau of Investigation.

Ang mga “bills” na hindi pa naaaprubahan sa Kongreso ay naglalayong mabago ang IP Code upang maipatupad ang World Intellectual Property Oraganization, World Intellectual Property Oraganization Treaties at pati na rin ang “cybercrime legislation” na sumasaklaw sa lahat ng “copyrighted materials.”


III. KATAWAN NG PANANALIKSIK

Marami ng kampanya ang ginagawa ng mga artista at prodyusers laban sa mga piniratang CD, VCD at DVD na sinisisi sa pagkalugi ng mga sinihan, artista, singers at producers. Milyon-milyon na ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na produkto at marami na rin ang nasampahan ng kaso. Bagkus, patuloy pa rin pagkalat ng mga ito sa halos lahat ng panig ng bansa. At patuloy pa ring tinatangkilik ng publiko- ng masa.

Binabayaran ng malaking halaga ang mga artista – mga actor, aktres, at mang-aawit. Kaya naman inaasahan din ng mga prodyusers na kikita sila sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto.

Kamakailan, ipinasa ng Congressional Committee ang Implementing Rules and Regulation para sa Optical Media Board na nagbibigay sa huli ng kapangyarihang manghuli ng mga nagbebenta at bumibili ng pirated CD/VCD at DVD. Ito daw ay upang masawata ng pamimirata at makaliklom ang pamahalaan ng hanggang P50 bilyon.

(http://www.philippines-forums.com/forums/philippines-political-issues/sa-pagkalat-ng-pirated-cd-vcd-69.html)

Sa Quiapo, Maynila, makikita ang pinakatalamak ang bentahan ng mga piniratang CD’s at DVD’s. Halos lahat ng CD at DVD na ipinupuslit sa Pilipinas ay dito bumabagsak. Kaya naman dito kadalasan bumibili ang mga tiangge, tindahan sa mga mall tulad na lang ng St. Francis Square at bangketa.

Sinasabing ang mga Tsino ang may-ari ng mga gusaling nagtitinda ng mga pekeng CD at DVD subalit mga Muslim naman ang kadalasang nakikitang nagbebenta ng mga ito. Ibinebenta ng mga sindikato sa malalaking negosyante ang piniratang DVD sa halagang P9 bawat piraso.

Ang malaking negosyante, ibinebenta ang DVD sa mangangalakal na bultuhan kung bumili na siyang nagbebenta sa mga Muslim.

Samantala, ang maliliit na tindero tulad ng mga Muslim ay nagbebenta ng DVD sa mga kostumer sa halagang P65 hanggang P100 kada piraso.

Kumpara sa ibang lugar at pamilihan, P65 lang ang isang piraso ng DVD sa Quiapo kaya hindi nauubusan ng kostumer dito.

Hindi lang mahihirap na kostumer ang naglalagi sa Quiapo dahil maging mayayaman ay dito nagtutungo (http://www.abs-cbnnews.com/images/news/microsites/TheCorrespondents/tc11292004dvd.htm).

Sa mga kalapit-bansa halos galing ang mga piniratang CD at DVD. Sinasabing dinala na ng ibang sindikato - Malaysia, Thailad, Sinapore, Hongkong at Taiwan, sa bansa ang paggawa ng mga piratang produkto na ito. Sa kadahilanang, hindi sila medaling mahuhuli dahil sa mahina ang IPR sa bansang Pilipinas kumpara sa kanilang bansang pinanggalingan.

Ang industriya ng pelikulang Pilipino at iba pang lokal na pangkulturang kalakal gaya ng musika, ay nakakaranas ngayon ng “paghihingalo” bunga ng ibayong liberalisasyon o pagbaha ng mga produktong gaya ng dayuhang pelikula lalo na mula sa Hollywood, pagbilis ng akses sa mga ito sa pamamagitan ng internet, at lalong- lalo na sa malawakang pamimirata at kawalan ng mapagpasyang hakbang mula sa gobyerno upang suportahan, paunlarin at ipagtanggol ang pangkulturang produksyon sa bansa.

Ang malawakang pamimirata o “piracy” ang salik na nakapagpabilis nang husto sa paghihingalong ito ng lokal na industriya ng pelikula at musika. Maaaring sa isang banda, ang dahilang ito ay nakapagpalabo o nakapagpababaw sa pagsusuri ng ilan sa tunay na ugat ng krisis sa larangan ng kultura, lalo na sa hanay ng maliliit na mga manggagawang pangkultura at artista na nananawagan ng “stop piracy” at pagtataguyod ng kanilang “intellectual property rights.” Ang paghahangad ng proteksyon ay pagpapalamon sa elitistang bitag ng “globalisasyon,” na tiyak na pumapanig lamang sa interes ng monopolyo kapitalismo, at hindi kailanman sa interes ng maliliit na artista o imbentor (kung sa kaso ng larangan ng agham). Kung pakasusuriin, hindi mamamayagpag ang pamimirata kung ang pinakamalalaking opereytor nito ay hindi mahigpit na nakaugnay sa mga lokal at internasyunal na ahensyang nagpapatupad ng batas laban sa pamimirata at maging sa mga lokal na kumpanya ng pelikula o musika na siya mismong “biktima” ng mga sindikatong ito.

Di maikakaila ang dramatikong pagbaba ng bilang ng taunang produksyon ng lokal na pelikula at musika. Kasabay nito, naging higit na elitista ang karanasan ng pagpasok sa mga tunay na sinehan. Nangagsara na ang maliliit na sinehan sa mga sentro ng mga probinsya at maging sa maliliit na munisipalidad ng kalakhang Maynila. Nakakonsentra na lang sa malalaking shopping mall gaya ng SM, Gaisano, Robinson at Ayala ang mga sine, na sumisingil ng entrans na kadalasa’y mas malaki pa sa arawang sahod ng karaniwang trabahador sa industriya o agrikultura.

Tumupi na ang pinilakang tabing at ang mga mata ng manonood ay pambihira nang bumaling sa karampot na naipundar na personal pasilidad gaya ng mumurahing surplus na TV at VCD player (salamat din sa krisis ng labis na produksyon at pagtatambak ng patapong imported na produkto bunga ng “globalisasyon”) – kung hindi man sa mga lokal na TV-han, CD-han at betahan sa antas ng mga baryo. Sa ganitong konteksto nakarating sa kanayunan ang Quiapo cinematheque. Nakarating na sa mga pinakaliblib na pook ng bansa ang kaluluwa ng Quiapo – hindi lamang ang panatisismo ng daantaong pagiging Katoliko serado at pamamanata sa Nazareno na malaon nang bumabalot sa atrasadong kanayunan – kundi ang Quiapo na siyang pinakatampok na lokal na sentro ng pamimirata, pinakamurang mapagkukunan at kung gayon ay siya ring pinaka-aksesibol na tagapag-ingat ng kabang-yaman at kasaysayan ng pelikula at awdyo-biswal na midyumn ngunit hindi ito magandang dahilan upang mas palawakin pa ang iligal na mga gawain dito.

Karamihan sa mga Pilipino ang tumatangkilik sa pelikula at musika– di lamang sa lokal na industriya o Hollywood, kundi sa iba’t ibang halu-halong anyo o genre na pambihirang mahahalukay sa mga eskinita ng Quiapo – mga konsyerto ng mga banda at musiko, dokyumentaryo sa kalikasan at kasaysayan, pornograpiya, kartuns, anime, klasikong pelikula, Asian teleserye, mini-series, artfilm, wrestling, boxing, basketbol at iba pang isports, biograpiya, Bollywood, alternatibong cinema sa ibang bansa, rebolusyonaryong pelikula ng Tsina at Rusya, action, drama, horror, comedy at lahat-lahat na.
(
http://rebyuhan.blogspot.com/2007_11_01_archive.html).

Sa kasalukuyan, talaga nga namang isang nakapakabigat na suliranin ang pamimirata ng mga CD at DVD. Kaya naman patuloy ang pagbagsak ng indutriya ng pelikula ta musika sa bansang Pilipinas. Marami sa mga taong nasa likod ng industriyang ito ang nawawalan ng trabaho at unti-unting nalulugi ang ilan sa mga kompanya.

Ayon sa mga awtoridad, ang pinakamalaking hadlang sa pagresolba ng problemang ito ay hindi ang mga sindikato o tindero. Hindi rin nakatuon ang problema sa mga opisyal ng pulisya at pamahalaan na nagbubulag-bulagan tuwing ipinupuslit sa bansa ang piniratang mga DVD.

Sabi ni Victoria Benedicto ng OMB, ang problema ay matatagpuan sa mga mamamayan na walang pakialam sa pagsugpo ng ilegal na gawain at patuloy sa pagtangkilik sa piniratang produkto.

Aniya, walang pakialam ang ordinaryong mamamayan sa epekto ng pagbili nila ng pekeng produkto basta ang mahalaga ay masaya sila sa kanilang napapanood at ginagawa.

Lingid sa kaalaman ng ordinaryong kostumer ng pekeng DVD, nababahala na ang pamahalaang Amerika sa problemang ito dahil 89% ng mga DVD na ibinebenta sa Pilipinas ay pinirata.

Bunga nito, nakalista na ang Pilipinas sa mga bansa na minamatyagan ng Amerika dahil sa pagiging pugad ng piniratang mga produkto.

Kapag hindi pa ito nasolusyonan ng pamahalaang Pilipinas, mapupunta ang bansa sa listahang "talamak sa bentahan ng pekeng produkto" at parurusahan ng Amerika.

Ang parusa ay ipapataw sa pamamagitan ng higit na mataas na buwis para sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa Amerika.

Kapag nangyari ito, hindi lang industriya ng pelikulang Pilipino ang apektado dahil damay din ang lahat ng negosyo na nagluluwas ng produkto sa Amerika tulad ng damit at agrikultura (http://www.abs-cbnnews.com/images/news/microsites/TheCorrespondents/tc11292004dvd.htm).


IV. KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON


A. Kongklusyon

Ang industriya ng musika at pelikula ng Pilipinas ay patuloy na naghihingalo dahil sa talamak na pamimirata ng mga CD at DVD. At halos lahat ng epekto ng pamimirata ay negatibo bagkus may ilan din namang positibong epekto itong naidududlot. Makakatipid nga ang isang tao kung bibili siya ng pirating CD o kaya DVD, subalit hindi nila batid ang epektong naidudulot nito para sa iba nilang kababayan nasa larangan ng indutriyang ito. Maliit lamang ang kinikita ng mga nagbebenta nito hindi tulad ng mga sinidkatong nagmamanipula sa ganitong uri ng negosya. Ang perang nakukuha ng mga sindikatong ito ay ginagamit para sa iba pang iligal na transakyon na mas lalong nagpapalala sa sitwasyon ng bansang Pilipinas.

Ang patuloy na paglikha ng mga piratang produkto ay maaring magdulot ng tuluyang pagbasak ng ekonomiya ng bansang Pilpinas dahil maaaring patungan ng mas mataas na buwis ang mga produktong niluluwas ng Pilipinas sa ibang bansa partikular na ang Amerika.

B. Rekomendasyon

Ang suliranin kaugnay sa pamimirata ay sadyang napakabigat. Matapos ang masusing pag-aaral nakabuo ang mga mananaliksik ng ilang rekomendasyon upang matugunan ang problemang ito.

Ayon sa mga nakalap na impormasyon at pagsisiyasat ng mga mananaliksik, inererekomenda ng mga mananaliksik na bigyan ng tamang aksyon ang paglutas sa ilegal na bentahan ng pamimirata. Dagdagan ang mga anti-piracy campaigns sa bawat sulok ng mundo bago pa ito lumala.

Higit na kinakailangan ang koopearasyon ng publiko at ng gobyerno sa paglutas ng suliraning ito, dahil hindi lang ang industriya ng musika at pelikula ang bumabagsak dahil sa pamimirata kung hindi pati na rin ang buong ekonomiya ng Pilipinas ay nagkakaroon ng dagok dahil dito.

Wednesday, February 20, 2008

Konseptong Papel

PAMEMEKE NG PINOY SA MUNDO NG EKONOMIYA









Sa panahon ngayon, laganap na ang pamimirata ng iba’t ibang produkto sa ating bansa. Kung dati rati’y sa mga bangketa lang ng mga lungsod makikita ang ganitong sistema, ngayon, ay maging sa mga probinsya ay talamak na rin ito.

Nasa kultura na ng mga Pilipino ang paggawa ng alternatibo sa lahat ng gawain at mga bagay na kailangan sa pangaraw-araw na pamumuhay. Bilang alternatibo, kailangan mas abot-kaya ito para sa nakararami hindi lang ng mayayaman kundi pati na rin ng masa. Bagkus, kinakailangan na ito’y epektibo upang maging katanggap-tanggap sa pamilihan at ekonomiya.

Marami ng alternatibong produkto ang ibinebenta na talaga nga namang nagdulot ng maganda at mas magaan na pamumuhay para sa mga Pilipino. Bagamat, nagpatuloy ang iba sa pagsasagawa ng mga produktong lumagpas na sa limitasyon at mga panukala ng gobyerno. Ito ang mga imitasyong produkto na mura at walang kasiguraduhan ang kalidad.
Sa kasalukuyan, ang mga pekeng DVD at CD ang pinakatalamak na binebenta sa mga lansanagan. Marami sa mga Pilipino ang tumatangkilik sa mga produktong ito dahil malaki ang kamurahan kung ikukumpara sa orihinal. Nakalista na ang Pilipinas sa mga bansa na minamatyagan ng Amerika dahil sa pagiging pugad ng piniratang mga produkto. Kapag hindi pa ito inaksyunan ng pamahalaang Pilipinas, mapupunta ang bansa sa listahang "talamak sa bentahan ng pekeng produkto".
Ang patuloy na paglikha ng mga pekeng produkto ay maaring magdulot ng tuluyang pagbasak ng ekonomiya ng bansang Pilpinas dahil maaaring patungan ng mas mataas na buwis ang mga produktong niluluwas ng Pilipinas sa ibang bansa partkular na ang Amerika.